Category Archives: KAPE

Pwede pa ba?


Sa tuwing hihigop ako nang mainit na kape ay palaging napapaso ang dila ko, nawawalan ng panlasa at nakakalimutan ko ang tamis at pait ng paborito kong kape. Tatayo ako sa paborito kong upuan at pupunta sa unahan ng coffe shop para humingi ng tubig upang mapawi ang pagkakapaso sa dila ko.
Minsan naman ay nakakagat ko ang aking dila at aasa ako na baka ako ay iyong naalala, ngunit sa tuwing hihingi ako ng numero sa pagbabakasakaling letra ng una mong pangalan ang lalabas, pipikit ako at hihiling na sana letra ng pangalan mo ang maging sagot sa pagbibilang ko. Magbibilang ako sa alpabetong nakasanayan ko at matatapos sa ibang letra na di ko naman ginusto, hahanapan ko ng paraan upang maidikit sa pangalan mo, pero wala, walang maidikit kahit baliktarin ko pa ang bawat letra nito.
Hihigop ako ng kape kasabay sa paglimot nang pagkapaso ng dila ko. Hihigupin ko ang paborito kong kape habang nakaupo sa pwesto na kung saan madalas tayo nakaupo. Tatanghod sa malayo at iisipin na baka pwede ba at baka meron pa. Pero wala, wala nang pag asa ang nanlamig mong panlasa na parang kape ko na unti unting lumalamig sabay sa pag manhid nang dila ko.
Uuwi ako at magbabaksakali na sa aking pag gising isang tasang kape ang ihahain mo. Ngunit wala na talaga. Wala na ang unang tamis na nalasahan ko, wala na ang pait na pilit kong pinapalitan ng tamis. Wala na ang pampagising ko sa inaantok kong sandali. Ayoko ng kumapit sa natitirang sana dahil baka sa huli na kong sakaling mabuo pa at magbalik ang lahat ay maging iba na at hindi na maging sakto ang timpla.
Hanggang dito na lang sa pagbabakasakaling makakalimutan kita at makakasanayan ko na ang uminom ng kape ng wala ka.

Advertisements

Noong minsan may TAYO


Masaya tayo na nagtatawanan nagbibiroan at niyayapos ang sandaling magkasama. Noong minsan ay may tayo, pinangako mo na ikaw lang at ako doon sa sa upuan kong saan tayo unang nagtagpo.

Pinangako mo ang mga salitang “Mahal mo ako” at napaniwalang ito ay totoo. Habang binibigkas mo sa mga labi mo ang mga katagang pangako ko, ay para akong isang kahoy na ipinako mo sa kinatatayuan ko.

Binuhos mo ang kilig sa katawan ko na para bang ikaw ang una at huling taong mamahalin ko. Mahal kita! yan ang binitawan mo habang ang mga mata mo ay nakatitig sa mga mata ko. Nakatitig ang mga mata mo na parang Tala na nagbigay liwanag sa puso ko. Nakita ko ang katotohanan at pagsusumamo mo na kahit bulag itong puso ko ay naramdaman ko naman ang mga katagang sinasambit mo, Tumatagos ang bawat linya na binibigkas mo. Linya na dumadaloy sa dugo ko patungo sa puso ko  at ang puso ko ay ibinubuga ito kasabay ng pagtibok nito.

Noong minsan ay may tayo, gumawa ako ng isang tula na ang bawat talata ay binibigkas ko na may saya at lambing. Lambing ng isang nagmamahal at nabubulag sa pagmamahal. Gumawa ako ng tula upang ipakita sa iyo na kahit ang mga tala ay kumikinang sa kinatatayoan mo. Liwanag ang nakikita ko dahil sa pagkakataong iyon nabulag ako sa liwanag na inihatid nito.

Pinakilig mo ako na parang isang halaman na ngayon lang nadiligan. Pinaramdam mo ang salitang tayo sa maraming tao na kahit ang mga mata nila ay nanlilisik sa panghuhusga ng makita nila ang dalawang lalake na naghahawak kamay na hindi alintana ang mga taong akala mo ay nakasutana. Hinawakan mo ang mga kamay ko kasabay sa paghigpit nito na ang pangakong ngayon ay tayo ay hindi magbabago.

Pero Natapos ang minsan na may tayo ng makita kita sa parehong lugar na may pinapangakuan at inaalayan ng parehong pagmamahal na iyong ibinigay noong unang maging tayo. Naramdaman ko ang kab0g ng dibdib ko. Kumakabog sa kaba at lungkot na ang dating linya na binabangit mo ay unti unting nanunuot sa puso ko. Linya ng pagmamahal na ngayon ay gumuguhit at nagdadala ng sakit sa puso ko.

Tumayo ako sa di kalayuan habang kayo ay pinagmamasdan. Nakangiti ka sa kanya gaya ng mga ngiti na iyong ibinigay noong unang maging tayo. Naramdaman ko ang lungkot at poot ng makita kitang hinawakan ang kanyang mga kamay gaya ng paghawak mo sa aking mga kamay noong minsan ay may tayo. Nakita ko ang saya sa labi at mga mata mo habang kinakausap mo sya at nakatitig ka sa mga mata nya.

Lumakad ako papalapit sa inyo upang malaman mo na ako ay nandirito, na handang patawarin ang kamalian mo. Pinilit kong kausapin ka upang ibalik ang salitang TAYO, pero mas pinili mo ang bago mo, na kapareho lang halos ng pagmamahal na ipinakita mo noong minsan ay may salitang TAYO.

Lumakad kayo papalayo sa akin. unti unting nawawala sa paningin ko na halos hindi na matanaw ng mga mata ko. Habang dating tala na meron ako ay unti unting nawawala ang kinang nito. Sabay sa paglayo nyo ay ang pagbuhos ng ulan na para bang sinabayan ang pagbagsak ng luha ko. Lumakad akong nakayoko upang hindi makita ng mga tao ang sakit na meron ako, Sakit na dulot ng mga salitang binitawan mo noong minsan ay may Tayo.

Natapos na ang minsan ay may tayo. Nakita kitang nakatayo sa harapan ko. Malungkot at lumuluha.Ang dating tala na napundi ang liwanag ay unti unting kumikislap.  Inakap mo ako at umiyak dahil nasaktan ka sa pagpili sa kanya. Nasaktan ka ng iwanan ka nya na ang pangako na ginawa mo sa akin noon ay ginawa nya sa iyo pero sa huli ay minsan lang din na may Kayo. Ang tala ko na akala ko ay ptuloy na sa pagkinang ay tuluyan ng naglamlam.

Inakap kita nang sobrang higpit, Inakap kita na may kasamang tayo na lang ulit. Pero ang mga akap mo ay akap nang sakit na naramdaman mo sa taong minahal mo. Inakap mo ako upang damayan ka, hindi upang mahalin ako. Binitawan na kita upang mahalin sya at kahit masakit na hindi na pala pwede talaga ay pinilit ko na talikuran ka. Ngumiti ako sayo at ngumiti ka rin sa akin tanda na tayo ay magkaibigan na.

Tinalikuran kita gaya ng pagtalikod mo sa mga pangako mo. Tinalikuran kita habang ako ay lumuluha, Tinalikuran kita habang ang bawat salita na lumalabas sa aking puso ay sobrang sakit na. Mga salitang umasa ako na baka pwede pa?

Sana tayo na lang ulit, Sana ako na lang ulit. Pero hindi ko naramdaman yan sa mga akap mo. Dahil ang naramdaman  ko ay ang sakit na naranasan mo ng ikaw naman ay iwan ng taong totoong minamahal mo. Lumayo na ako sa iyo upang iparamdam na OKAY na ako. Pinaubaya na pala kita matagal na. At sa wakas binitawan ko na ang pag asang sana ay may tayo ulit. Sa huli, paalam sa unang tao na nagbigay ng salitang TAYO.
~fin

Ang pait ng kape.


Habang tirik na tirik ang araw at nararamdaman ko na ang papalapit na Tag-araw, ramdam na ramdam ko narin ang init ng panahon. Nanunuot sa bawat butas ng aking balat at nagsasabing halika mag-palamig tayo.

Hilig ko na yata ang magkape, mapa-malamig na panahon o kahit iyong tirik na tirik ang araw. Para akong tanga na humihigop ng kape sa kalagitnaan ng kainitan ng panahon. Kahit Iyong kape ay kasing init ng panahon  ay pinipilit ko paring higupin. Para akong sundalo na lumalaban sa isang gyera na pilit nilalabanan ang bawat init na naidadagdag nito sa aking katawan. Ang pait ng kape parang tinimpla ng isang tao na humugot ng sama ng loob dahil sa pag iwan sa kanya ng kanyang sinisinta. Ang kape ko ay sakto lang ang  tapang na parang Ex ko na kapag tumitingin ako sa iba ay agad naman akong tititigan na parang tigre na matapang at sa huli ay aamo na parang tuta na gustong makipaglaro.

Habang nag titipa ako at ginagawa ko ang kwento na ito ay nakaupo ako sa isang lamesa na ang tanging kasama ay kape at ang aking sigarilyo. Dinaramdam ang bawat mainit na hangin na pumapalo sa aking balat.  Pinagmamasdan ang bawat tao na nagdaraan sa aking harapan, may mag kasintahan at ang iba naman ay may kasamang alagang hayop na nagbibigay sa kanila ng kasiyahan sa tuwing kasama nila ito. Napaisip tuloy ako bigla kong maari din ba akong magmahal ulit gaya ng pagmamahal ko sa kape na aking hinihigop.

Mainit ang kape na inorder ko sa barista, gusto ko kasing magising sa katotohanan na ako ay nagiisa at wala naman talagang makakasama. Sa bawat higop ko ng kape ramdam ko ang pait na dulot nito, pait na nanunuot sa aking lalamunan na parang isang emosyon na karamihan sa atin ay natikman na.  Minsan naiisip ko na buti pa ang kape na iniinom ko marami ang nagmamahal pero sa kagaya ko na nagbibigay ng pagmamahal ay siya namang nakakalasap ng pait ng walang nakukuhang pagmamahal sa aking inaalayan. Sa aking inuupuan ay natatanaw ko sa eskaparante ang mga display  na matatamis na cake. Ibat-ibangklase ng cake na naka latag sa aking mga mata. Parang ang tatamis nila at nakakatakam na titigan. Pero naisip ko na kahit ang isang pinakamatamis na bagay na aking nakukuha ay nawawala din ang lasa at magsasawa ka rin at mauumay sa sobrang tamis na dulot nito.  Nakakasawa rin at nakakasuya ang sobrang tamis. Kaya naman ang aking kape ay sakto lang ang pait at tamis upang mabalanse ko parin ang emosyon na aking nararamdaman,

Lumalamig na ang kape na mainit ng aking umpisahang inumin, lumalamig na sya at di ko na kaya pang ibalik ang dati nitong init. Naisip ko tuloy na kasalanan ko ba na hindi ko sya pinapansin noong maiinit pa sya at ngayong sya ay nanlamig na saka ko hahanapin ang init nya. Para akong ewan na hindi ko lubusang makuha ang timpla ng kape na gusto ko. Buti pa ang mga barista alam nila ang kape na gusto ko kaya nilang timplahin ang lasa na kailangan ko pero ako na mas nangangailangan ng tamang panlasa ay hindi ko makuha ang gusto ko. Masarap talaga ang kape lalo na kung nabibigay nito ang kaligayahan na hinahanap mo. Masarap ang kape kung ang bawat init nito ay nararamdaman ko. Pait, tapang pati narin ang saktong lasa nito sa bawat nakakahigop.

Ang kape na kahit anong panahon ay nagbibigay sa akin ng likas na kaligayahan. Kape na kahit anong pait sa aking panlasa ay agad ko namang natutunang mahalin at pahalagahan. Sana sa bawat kape na mapait ay maranansan ko rin ang tamis sa huling pag higop nito.