Category Archives: Kapitan Pinoy

HIV: Bakit nga ba?


Anim na taon ang nakaraan ng makakilala ako ng mga taong hindi ko akalain na magtuturo sa akin ng isang bagay na hanggang ngayon ay mamahalin ko. Isang libro ang nagpamulat sa akin sa kahalagahan ng bawat buhay na meron tayo. Anim na taon nakakilala ako ng apat na tao na magpapamulat sa akin sa isang sakit na hindi ko lubos maisip na unti unting babago sa buhay ko, isang sakit na unti unting kumikitil sa mga taong nakikilala ko. 

Wala akong magawa na kahit ang mga dasal na pwede kong ialay ay hindi na mabisa. Hindi ako mahina at hindi rin ako baldado upang hindi ko masimulan ang isang bagay na pwedeng makapagpabago sa buhay nila. Habang lumalapit ako sa isang adbokasiya ay siya namang pagdating ng mga dating kaibigan na napako sa isang nakaraan na kanila ng pinagsisisihan. Unti unting nauupos ang liwanag na dala ko at unti unting lumalamlam ang dala nitong liwanag. Wala akong magawa kundi ang akapin sila sabay ng pagbasak ng aking mga luha. 

Anim na taon ang nakakaraan nang hindi ko rin makita kong saan ba ako patungo. Hindi ko masumpungan kong ano ba ang nais ko sa buhay. Madami ang tumatakbo sa isip ko na pilit kong nilalabanan. Naging pabaya ako sa aking sarili na kahit ang sarili ko mismo ay hindi ko na kilala. Inilayo ko ang mundo sa mga taong dapat ay pinahalagahan ko. Nilamon ako ng isang takot na baka sakaling wala akong magawa. Hindi ako isang bayani na aakapin ang problema ng iba. Para akong natutulog sa isang lugar na ang nakapaligid ay ang sarili ko na hindi ko rin makilala dahil sa mga maskara na naka balot dito. 

Gumising ako sa sa isang lugar na puno ng pag asa. Bumangon ako sa isang pagsubok na dapat kong gawin. Hinarap ko ang takot at sinimulan ko ang pagtulong sa aking sarili. Binago ko ang anyo ng aking kalungkutan at binalikan ko ang kahapon na maaring makatulong sa aking haharaping misyon. 

Narito ako sa isang adbokasiya hindi dahil isa ako sa mga taong nangangailangan ng tulong. Isa ako sa mga taong tinawag upang makatulong. Kahit anong hirap ng aking hinaharap ay pinipilit kong lumaban para sa mga tao na kailangan ako. Sa lugar ko ngayon ay bumuhos ang napakaraming luha. Bumubos ang luha ko sa mga kaibigan ko na malapit sa akin na ngayon ay kailngan kong tulungan. Masakit pala na makita mo silang malungkot. Dati kasama mo lang sila sa saya. Ngayon na nasa gitna sila ng kalungkutan ay sasamahan ko parin sila sa lahat ng aking makakaya. 

Hindi ko pinili ang adbokasiya na ito. Tinawag ako at inilagay sa kinaroroonan ko hindi dahil pinilit ko kundi dahil ang tadhana ang naglagay sa akin dito. Habang tumatagal ay lalo akong tumitibay at lalong lumalalim ang pagnanasa kong tumulong sa mga tao na aking nakikilala. Nilagay ako sa posisyon na ito upang maging tenga ng bawat tao na makakasalamuha ko. Unti unti ng lumiliwanag ang hawak kong ilaw. Unti unti ng bumabalik ang taglay nitong liwanag. 

Ngayon habang kaya ko ay gagawin ko hindi dahil kailangan ko kundi dahil sa kagustuhan kong makita ang halaga ng bawat isa na nabubuhay. Gusto kong ipakita ang halaga nila na kahit sa umpisa ay nagkamali sila, pwede pa nilang itama ang mga pagkakamaling ito. Lalaban tayo hanggang sa dulo at babangon tayo sa tuwing tayo ay nadarapa. 

Salamat

May KOTA ba sa pag ibig?


Sa mahigit sa pitong bilyong tao sa mundo tiyak daw na may para sa iyo, kahit pa nasa magkabilang dulo kayo ng daigdig kong para kayo sa isa’t isa eh di kayo talaga. Sa bawat taong nagmamahal may tao ding nasasaktan. Na sa bawat minamahal mo ay may nagmamahal din naman sa iyo. Na kahit sa magkabilang dulo nang mundo ay magkatalikod kayo, panigurado magtatagpo din ang landas nyo. 

Sa bawat taong nagiging masaya ay may isang tao naman na tuloy parin sa pagasa. May Kota ba talaga ang taong umiibig? Iyong naging masaya ka ngayon dahil sa ilang bilyong tao ay may nakilala ka at may nagpatibok ng puso mo. Pero hindi parin pala sya ang taong makakatuluyan mo. 

Mabuti pa ang tambay sa kanto hindi iniisip kong sino ang makakapareha nya. Nakita mo ba iyong taong grasa na namamalimos? iniisip din kaya nya kong sino ang para sa kanya. Iyong nanay at tatay mo naisip mo ba o natanong mo ba sa kanila kung ilang beses silang sumubok bago nila nakilala ang isa’t isa. Nakaabot kaya sila sa kota? o sadyang nakuntento na lang sila sa bawat isa. 

Naisip ko lang habang nakahalukipkip ang aking mga kamay, naabot ko na ba ang kota sa pag ibig? Kong OO ang sagot maari ay dumating na sya pero napakawalan ko pa o maari na wala talagang nakatakda para sa akin. Kung HINDI naman ang sagot, ilang beses pa akong susubok para malaman kong tama na at naka kota na ako.
 Sinubukan ko na nga yata ang red string na sinasabi nila. Pati ang pulang sinulid nang lola ko na nakatabi sa lata ng biskwit ay nasubukan ko na ring abutin ang dulo pero ayon nagkabuhol buhol lang at napingot pa ako sa tenga ni felomina. 

Kong talagang may kota ang pag ibig eh di para kang isang ahente na naghahabol nang benta? na kong hindi mo maabot ang kita ay malamang matanggal ka. Saklap naman na walang nakakaalam sa atin kong naabot na ba natin ang kota ng pag ibig. 
Sa ilang bilyong tao sa mundo sadya ba talagang may kapareha tayo? ano kaya ang kasarian nya? makakapili ka ba para lang maabot mo ang tinatawag nilang kota o sadyang darating sya sayo. 
Minsan habang pinagmamasdan ko ang bawat pasahero sa MRT naiisip ko isa ba sa kanila ang magsasabi sa akin na “Its over” o magsasabi sa akin na “tama na ako na ang kota mo”. Si kuya ba na nakasandal sa pintuan ng tren, pero hindi sya ang tipo ko! Si ate ba na ang pustura ay parang payaso sa isang kilalang kainan, pero ayoko sa kanya. Si manong ba? Na sumisingaw ang amoy nang maghapong pagtatrabaho sa tirik na araw, pero teka matanda sya sa akin na halos doble ng edad ko. Pero teka! may pinipili bang edad ang pag ibig.
 
Sa dinami dami ng dumaan sa iyo malamang naabot mo na ang kota. Paano pa kaya ang mga tao na magpa hanggang ngayon ay hindi pa nagsisimulang magbilang para sa kanilang hahabulin na kota. Tatanda na lang ba silang mag isa o napagod na sila sa paghahabol dahil kahit isa ay hindi nila naabot ang umpisa nang tinatawag nilang kota.

Sige na nga bahala na kong makailan tayo ang mahalaga ay wala namang nagbabawal kong sino at kong para kanino tayo. Wala namang kota ang taong umiibig diba? Hindi mo kailangan lagyan ng limitasyon ang puso mo. Hindi mo pwedeng sabihin na tama na at ayaw mo na. Walang kota sa taong hindi takot sumubok magmahal. Iyong tao na kahit ilang beses ng nasaktan sige parin. Iyong tao na “Nagmahal, Nasaktan, Naka jackpot”. Hanggang dito na lang baka sakaling maka kota na ako.

fin

Noong minsan may TAYO


Masaya tayo na nagtatawanan nagbibiroan at niyayapos ang sandaling magkasama. Noong minsan ay may tayo, pinangako mo na ikaw lang at ako doon sa sa upuan kong saan tayo unang nagtagpo.

Pinangako mo ang mga salitang “Mahal mo ako” at napaniwalang ito ay totoo. Habang binibigkas mo sa mga labi mo ang mga katagang pangako ko, ay para akong isang kahoy na ipinako mo sa kinatatayuan ko.

Binuhos mo ang kilig sa katawan ko na para bang ikaw ang una at huling taong mamahalin ko. Mahal kita! yan ang binitawan mo habang ang mga mata mo ay nakatitig sa mga mata ko. Nakatitig ang mga mata mo na parang Tala na nagbigay liwanag sa puso ko. Nakita ko ang katotohanan at pagsusumamo mo na kahit bulag itong puso ko ay naramdaman ko naman ang mga katagang sinasambit mo, Tumatagos ang bawat linya na binibigkas mo. Linya na dumadaloy sa dugo ko patungo sa puso ko  at ang puso ko ay ibinubuga ito kasabay ng pagtibok nito.

Noong minsan ay may tayo, gumawa ako ng isang tula na ang bawat talata ay binibigkas ko na may saya at lambing. Lambing ng isang nagmamahal at nabubulag sa pagmamahal. Gumawa ako ng tula upang ipakita sa iyo na kahit ang mga tala ay kumikinang sa kinatatayoan mo. Liwanag ang nakikita ko dahil sa pagkakataong iyon nabulag ako sa liwanag na inihatid nito.

Pinakilig mo ako na parang isang halaman na ngayon lang nadiligan. Pinaramdam mo ang salitang tayo sa maraming tao na kahit ang mga mata nila ay nanlilisik sa panghuhusga ng makita nila ang dalawang lalake na naghahawak kamay na hindi alintana ang mga taong akala mo ay nakasutana. Hinawakan mo ang mga kamay ko kasabay sa paghigpit nito na ang pangakong ngayon ay tayo ay hindi magbabago.

Pero Natapos ang minsan na may tayo ng makita kita sa parehong lugar na may pinapangakuan at inaalayan ng parehong pagmamahal na iyong ibinigay noong unang maging tayo. Naramdaman ko ang kab0g ng dibdib ko. Kumakabog sa kaba at lungkot na ang dating linya na binabangit mo ay unti unting nanunuot sa puso ko. Linya ng pagmamahal na ngayon ay gumuguhit at nagdadala ng sakit sa puso ko.

Tumayo ako sa di kalayuan habang kayo ay pinagmamasdan. Nakangiti ka sa kanya gaya ng mga ngiti na iyong ibinigay noong unang maging tayo. Naramdaman ko ang lungkot at poot ng makita kitang hinawakan ang kanyang mga kamay gaya ng paghawak mo sa aking mga kamay noong minsan ay may tayo. Nakita ko ang saya sa labi at mga mata mo habang kinakausap mo sya at nakatitig ka sa mga mata nya.

Lumakad ako papalapit sa inyo upang malaman mo na ako ay nandirito, na handang patawarin ang kamalian mo. Pinilit kong kausapin ka upang ibalik ang salitang TAYO, pero mas pinili mo ang bago mo, na kapareho lang halos ng pagmamahal na ipinakita mo noong minsan ay may salitang TAYO.

Lumakad kayo papalayo sa akin. unti unting nawawala sa paningin ko na halos hindi na matanaw ng mga mata ko. Habang dating tala na meron ako ay unti unting nawawala ang kinang nito. Sabay sa paglayo nyo ay ang pagbuhos ng ulan na para bang sinabayan ang pagbagsak ng luha ko. Lumakad akong nakayoko upang hindi makita ng mga tao ang sakit na meron ako, Sakit na dulot ng mga salitang binitawan mo noong minsan ay may Tayo.

Natapos na ang minsan ay may tayo. Nakita kitang nakatayo sa harapan ko. Malungkot at lumuluha.Ang dating tala na napundi ang liwanag ay unti unting kumikislap.  Inakap mo ako at umiyak dahil nasaktan ka sa pagpili sa kanya. Nasaktan ka ng iwanan ka nya na ang pangako na ginawa mo sa akin noon ay ginawa nya sa iyo pero sa huli ay minsan lang din na may Kayo. Ang tala ko na akala ko ay ptuloy na sa pagkinang ay tuluyan ng naglamlam.

Inakap kita nang sobrang higpit, Inakap kita na may kasamang tayo na lang ulit. Pero ang mga akap mo ay akap nang sakit na naramdaman mo sa taong minahal mo. Inakap mo ako upang damayan ka, hindi upang mahalin ako. Binitawan na kita upang mahalin sya at kahit masakit na hindi na pala pwede talaga ay pinilit ko na talikuran ka. Ngumiti ako sayo at ngumiti ka rin sa akin tanda na tayo ay magkaibigan na.

Tinalikuran kita gaya ng pagtalikod mo sa mga pangako mo. Tinalikuran kita habang ako ay lumuluha, Tinalikuran kita habang ang bawat salita na lumalabas sa aking puso ay sobrang sakit na. Mga salitang umasa ako na baka pwede pa?

Sana tayo na lang ulit, Sana ako na lang ulit. Pero hindi ko naramdaman yan sa mga akap mo. Dahil ang naramdaman  ko ay ang sakit na naranasan mo ng ikaw naman ay iwan ng taong totoong minamahal mo. Lumayo na ako sa iyo upang iparamdam na OKAY na ako. Pinaubaya na pala kita matagal na. At sa wakas binitawan ko na ang pag asang sana ay may tayo ulit. Sa huli, paalam sa unang tao na nagbigay ng salitang TAYO.
~fin

Kapitan Pinoy ang Bida ko Noon


Uso Noon ang mga drama sa Radyo na humubog sa kamusmusan ng bawat bata na ipinanganak sa dekada na kung saan ay hindi pa masyadong uso ang telebisyon. Naalala ko Noon sa tuwing hapon nakikinig na kaming apat na magkakapatid sa radyo at inaabangan namin ang pag sisimula nang pambatang drama. Siya si Kapitan Pinoy na ang nagbibigay kapangyarihan sa kanya ay ang kanyang mahiwagang medalyon.

Hindi pa uso ang Tv noon sa probinsya, halos bilang lang sa mga kapitbahay namin ang may TV kaya naman kaming magkakapatid kabilang na ako ay maagang gumana ang Imahinasyon sa pakikinig ng mga dula sa radyo. Minsan pag hindi na kaya ng baterya humihina ang lumalabas sa tunog ng radyo. Buhay ko noon ang radyo halos karamihan sa mga drama na kinagiliwan ng karamihan ay napakinggan ko. Tanda ko pa sa DZRH kami nakikinig at kong minsan ay humahanap kami ng magandang pwesto upang doon makinig. Nakadapa kami at naka pangalumbaba sa harapan ng radyo.

12722769_10208380848495444_1698298203_o
Art By Franco Moje

 

 

Si kapitan ang pinoy ang pangunahing karakter sa radyo na siya namang kinagiliwan ko. Kasama sa drama ay ang iba pang Super hero katulad nina Superman, Wonder woman, batman pati na rin ang sidekick nyang si robin. Talaga namang walang makakapigil sa aming magkakapatid sa tuwing maririnig na namin ang ” Isang araw, nagpupulong-pulong ang mga alagad ng kabutihan”. Halos hindi na maipinta ang ngiti namin dahil hudyat na iyon na magsisimula na ang palabas. Isang Boses na napakalaki na isinasalarawan ang bawat karakter sa radyo.

Si kapitan Pinoy ang una kong nakikilalang Pinoy Super Hero, Hindi  ko pa kilala si darna at si captain barbel. Talaga naman nabibitin kami sa tuwing matatapos na ang aming pinapakingan. Kasama si kapitan pinoy sa mga bumuo ng aking kabataan, kasabay ng paglalaro ng habulan, taguan, tumbang preso at syato sa daan. Sa tuwing sasapit naman ang tag-araw ay sabay sabay kaming magpupunta sa tabing dagat upang maligo at magtampisaw sa napakalinaw na agat ng aming probinsya. Si kapitan Pinoy ang batang super hero na hanggang ngayon ay hindi ko parin makita kong ano ba talaga ang tunay nyang itsura at kung sino ba ang taong nasa likod ng kanyang napaka amo at napakatapang na boses.