Category Archives: Tag ulan

Ang tuldok. kuwit, tandang pananong? At tandang padamdam!


Nagsisimula na naman mag rambolan ang mga neurons ko. Yung buhol buhol na utak ko ay nasisimula na namang lumikot. Hindi na naman ako makatulog at mukhang matatapos ko ang isang epesode nang aking paboritong palabas sa Netflix. 

Hinihila na ako ng higaan pero ang utak ko ang likot parin at ayaw akong patahimikin. Madami na namang mga karakter na tumatakbo at naglalaro sa ulo ko. Iniisip ko kung bakit nga ba walang tuldok ang bawat kwento sa isip ko, walang tuldok na magtatapos sa kong ano ang nasimulan ko, dahil siguro nga ay may mga bagay na mahirap tuldokan, mahirap tapusin dahil sa simula palang walang kuwit na maghihiwalay sa bawat sakit. May mga pangngusap na nangangailangan ng tandang padamdam!para kahit hindi nya ramdam nasusulat mo naman. May mga pangungusap na may tandang pananong? na kahit alam naman natin na ang pinakamasakit minsan ay marinig ang isang tanong na walang sagot; kadalasan mas masakit marinig ang tanong kaysa sa sagot. Bakit mahirap gamitan ng tuldok ang isang kwento na gusto mo ng wakasan. May mga salita na kahit hindi patanong ay nangangailangan ng tandang pananong, dahil may mga tanong tayo na kahit hindi tayo sigurado ay nangangailangan parin nang isang sagot.

Ang dami ko ng nilagay na tuldok sa aking kwento……… mga sampung tuldok na nagpapahiwatig na gusto ko ng tapusin pero parang nagpapakita na may kasunod pa, parang kwento na lagi kung tinatanong kung para saan ba at para kanino ba? Babasahin mo ang sinulat ko nang walang boses na maririnig. Babasahin mo ang kwento ko nang hindi ka sigurado sa kung anong emosyon ang meron dito. Galit ako!!!!!! Yan ang pinapakita nang bawat tandang padamdam na nailagay ko. Pinipilit kong lagyan ng emosyon ang isang kwentong pa ukol sa ‘yo para ang sagot na makuha ko ay isang sagot na patanong na baka sakali ay magbago at hwag ko na lagyan ng tuldok ang isang storyang may simula pero walang pagtatapos.

Ang hirap tuldokan ang isang kwentong maganda dahil ang bawat kwento na sinusulat ko na para sa kanya, ay ayaw ko ng tapusin pa. Mahaba haba na ang nilalakbay ng bawat letra na aking tinitipa. Mga letrang pinipilit kong ilapat sa isang magandang kwento na tanging ako lang naman ang may akda. Isusulat ko at ilalathala ang bawat patanong na kwento at pilit kong lalapatan ng emosyon sa pag gamit ko ng tandang padamdam. Dahan dahan kang hihinga at pilit uunawain ang aking kwento gamit ang isang kuwit na nagbibigay hangin sa tuloy tuloy mong pagbabasa. 

Siguro nga, ayokong lagyan nang tuldok ang mga kwento ko dahil gusto kitang dalhin sa isang masaya at walang katapusang paglalakbay. Subalit ang bawat kwento na nakasulat sa pahina ay unti unti nang nabubura dahil sa aking pagluha. Hindi ko parin alam kung para saan ang gamit ng mga tuldok, kuwit, Tandang pananong at padamdam. Pwede ko bang gamitin ang tandang padamdam sa isang tanong ko kung BAKIT! Pwede ko bang gamitin ang tanda g pananong sa paglabas ko nang emosyon na MAHAL KITA? Pwede ko bang lagyan ng kuwit ang isang relasyon, para naman nakakapagpahinga ako sa bawat sakit na nakikita ko. Pwede ko na bang tapusin at lagyan ng tuldok ang isang pangarap na alam ko naman na dapat na talagang tuldokan. 

Siguro ang bawat tuldok, kuwit, tandang pananong at padamdam ay ginagamit upang ipahayag ng mas maayos ang bawat salita na gusto mong bigkasin. Simbolo sa pangungusap na nagpapaalala nang bawat emosyon na pwede nating ipakita, mga simbolo na ang tamang gamit ay depende kong paano natin dadalhin ang ating kwento.

Hala hindi ko na namalayan umaga na pala. Ang bilis ng pagikot ng orasan parang ikaw at ako na mabilis na umikot sa isang kwentong magtatapos dito. 

Fin

Advertisements

Dear Secret YOU,


Dear Secret YOU,

I vividly remember the time the place and even your OOTD. Wearing white shirt and jeans. Wearing your beautiful smile and tantalizing eyes. Doon kita unang nasilayan at hanggang ngayon ay nakatatak na sa aking isipan.

I secretly fell in love to the person na hindi ko pa kilala. Iyon pala ang sinasabi nilang love at first sight. Sekreto kitang tinitignan at pinagmamasdan. Sekretong tumitibok ang puso ko sa isang tao na hindi ko pa lubusang kilala. Hindi ko alam kong nahuli mo akong nakatitig sa iyo. 

Natapos ang araw na hindi kita nakausap. Natapos ang araw na hindi kita nalapitan. Walang panghihinayang sa isang sandali na nasayang. Inaasahan ko ang susunod nating pagkikita pero sinigurado ko na hindi ko ipaparamdam na nahuli mo ang puso ko sa una nating pagtatagpo. Sabi nila mapagbiro daw ang tadhana dahil nakita kita ng hindi ko inaasahan. Gaya ng una nating pagkikita suot mo parin ang maganda mong ngiti at ang mata mong nagnining-ning. 

Hindi na tadhana ang gumawa ng paraan kundi ako na mismo ang s’yang nagutos sa kong anong tadhana ang pwedeng mangyari sa muli nating pagkikita. Tumibok na naman ang puso ko nang makatabi kita sa upuan patungo sa lugar kong saan ako masasaktan. Sa lugar na makikipaglaro ako sa aking tunay na nararamdaman. 

Inilapit ko ang sarili ko sayo kahit ang tadhana ay hindi sumang ayon dito. Inilapit ko ang sarili ko sa katulad mo at inilayo ko naman ang nararamdaman ko para sayo. Itinulak kita sa isang kaibigan na mayroong gusto sayo. Kahit nasasaktan ay itinago ko ang tibok ng puso ko para magparaya sa isang kaibigan na may pagtingin sayo. 

Nadudurog ang puso ko sa t’wing nasisilayan kita na nakangiti habang kausap sya. Pero magaling ang puso ko magbalat kayo sa isang damdamin na hindi ko dapat ipakita. Natapos ang araw at hindi na kita nakausap pa. 

Ilang beses pa kitang nakita at walang nagbago sa kong ano ang pagkakakilala ko sayo. Ganon parin ang tibok ng puso ko. Gaya ng dati ay tinulak ulit kita sa kanya para ilayo at ipag walang bahala ang nararamdaman ng aking puso. Tinawag kita sa pangalang mapapalapit ako sayo at tinawag mo ako sa pangalan kagaya ng pagtawag ko sayo. Wala kang alam sa kong ano ang nararamdaman ko sa t’wing naririnig ko ang tawagan natin na may nakatagong lambing. Maari sa iyo ay normal lang ito pero sa akin ito ay isang salitang inimbento ko para mapasaya ang sarili ko kahit alam ko naman ang totoo.

Hanggang sa ngayon ikaw parin ang unang tao na nakita ko sa unang pagkakataon na agad itinibok ng puso ko. Dumating ang araw na nakasama kita sa isang lugar na tayo lang dalawa. Walang pagnanasa kundi puro saya lang. Nakasama kita ng buong magdamag at sa pagkakataon na iyon ang puso konay tumibok sa kakaibang kalabog. Maaring hindi mo eto naramdaman ngunit ang napakasimpleng paraan upang iparamdam sayo ay ginawa ko. 

Ikaw na aking lihim na minamahal sana ay dumating ang araw na masabi mo sa akin na ako rin ay iyong mahal. Sa pag kagusto ko sayo na hindi ko alam kong papaano sana ay maramdaman mo na ang akap ko sa iyo ay akap ng taong nagmamahal ng totoo.

Nagmamahal,

Secret ME

Minsan May Tag ulan


Lumalamig na naman ang hangin na dumadampi sa pisngi ko. Mukhang isang malakas na ulan ang nagbabadyang bumagsak kasabay ng malamig na hangin na dala nito. Kita ko ang mga dahon na sumasayaw dahil sa ihip ng hangin na dulot nito. Kita ko rin ang mga ibon na lumilipad dahil naghahanap ng masisilungan.

Naalala ko bigla ang mga panahon na sa tuwing bumabagsak ang ulan ay kasama kitang pinagmamasdan ang pag dausdos ng tubig sa bintana ng ating pinagsimulan. Nakatitig sa bawat patak nito at dinadamdam ang pagbagsak na parang musika sa ating mga puso.

Naala ko rin pala na tag ulan ng una mong sinabi sa akin na mag ingat ako, mag ingat sa pag uwi dahil alam mo na malakas ang ulan. Nag ingat ako at sinunod ang payo mo. Nag ingat ako na parang iningatan ko rin ang mga pangako mo na tayo hanggang sa sumapit ang tag araw.

Pumapatak na naman ang ulan at bumabalik na naman ang mga nakaraan. Nakatitig ako sa bawat patak nito na bumabagsak sa bubong ng kawalan, dati ay musika ang hatid nito, musika ng romansa at pagmamahal. Pero ngayon ang bawat patak ng ulan ay musika ng pighati at dalamhati. Patak na parang luha noong ikaw ay lumayo. Patak ng ulan na parang kahapon na ayaw ko ng balikan.

Minsan may tag ulan na nag papaalala sa akin ng saya at lungkot. Minsan may tag ulan na sa akin ay nagbibigay ng pagkabagot. Tag ulan na nakipaglaro sa akin. Tag ulan na bumabasa sa katawan ko at sinasabayan ang pag luha ko. Bawat patak ng luha ko na walang nakakakita dahil sa lakas ng ulan na parang ala-ala mo na pilit kong nilalabanan.
Fin